Sunday, July 27, 2014

Mga Produktong Pinoy : Tangkilikin ang sariling atin






                                                       Pinoy assembled XLT Vehicle
Original Japan brand vehicle 

Hindi na gaanong kailangan ang paliwanag kung anong mga produkto
mayroon ang ating mahal na bayan. Karamihan mga hilaw na produkto (raw materials) mga pangkaraniwang produkto o madaling gawin lamang
kumpara sa ibang bansa, sadyang napakalayo natin. Kumbaga, ang mga
produkto natin -- kamote, saging, kawayan (minamaliit natin pero
paborito natin ito). Samantala sa mga industriyalisadong bansa--
computer gadgets, sophisticated automated hydraulic machines, Jet
fighters etc. etc. 
Isama na rin natin ang ating labor force-- mga manggagawa sa
ibayong dagat, isa rin ito sa pinagkakakitaan ng ating mahal na
bayan. Ang OFW's ay karagdagang pang-balanse sa pakikipagkalakalan
natin sa ibang bansa, labor importer tayo. Masyado tayong dehado
sa kalakalan-- mag-export tayo ng sangkaterbang kamote at saging
pati kawayan at labor samantala mag-import naman tayo ng
napakamamahal na mga 'sophisticated machines'. (hindi naman pupwede pambili ang ating salapi dahil mahina nga ang mga produkto ng ating salapi, kayat kapag kinakapos tayo ng dayuhang salapi—dito pumapasok ang pangangailangan ng pangungutang sa mga dayuhan o dayuhang capital {at siempre pa may mga kasunduan sa bawat pangungutang ng dayuhang capital, isa na marahil sa mga kasunduan ang mga ‘policies’ na nagpapanatili sa ating pagiging palaasa sa dayuhang capital o tulong na kinahahantungan ng tulog na ekonomiya!})

Kayat kapag pinag-usapan ang pagtangkilik sa sariling atin, halos
wala din naman tayong tatangkilikin na produkto maliban na lamang
ang mga pangkaraniwan na nariyan na talaga. Kayat bilang panimula
sa ating proyekto, unahin natin muna pagtuunan ang pagtangkilik sa
mga sasakyang panlupa na gawa o 'pure Pinoy assembled vehicle'.
Maraming panahon na ang lumipas pero wala pa rin naitatag ang
Pinoy na sariling gawa na sasakyan na ang ginagamit ay sariling
gawang makina, lahat halos ng ginagawang Pinoy made vehicle
kinakabitan ng surplus na makina o mga basura na sa ibang bansa
(pinaglumaan) at sapilitang ne-reconditioned lang.Magkaganunpaman, kailangan mag-umpisa tayo dito. Tangkilikin natin
ang mga sasakyang gawa o assembled Pinoy vehicle. Kayat sa mga
patimpalak natin puro sasakyan na gawa o mas kilala sa katawagan
na XLT sa Central Luzon. Anuman ang mangyari, dito nakatuon ang
mga susunod na mga proyekto ng Hakaco, ang makabuo ng sariling
makina't mga makinarya ang ating bayan.

Lubhang mahirap kung iisipin lang, dahil maski mga higanteng
negosyante sa atin hindi ito binibigyang pansin. Ngunit kung
gagawin natin maski mag-umpisa lang sa maliit na pamamaraan at
pagkilos pasasaan at uusbong, susulpot din ang mga kinakailangang
mga ideyat pamamaraan upang maisakatuparan mga adhikain natin.
Lubhang kailangan lang magkaroon ang bawat Pilipino ng
paghahangad, ng masidhing paghahangad at pangangailangan na tayong
mga Pinoy ay makahulagpos sa pagiging 3rd class citizen lamang na kung tawaging nga tayo sa mga First World countries ay TCN o third
country nationals.  Lubhang kailangan magkaroon tayo ng nag-aapoy
na paghahangad ( hehehe, ‘burning desire’) anuman ang estado natin sa
buhay bilang Pinoy--nakatira kaman sa Ayala Alabang Village,
Toyota land cruiser man ang iyong gamit na sasakyan, Pilipino ka pa
rin at hindi maiitatanggi ang totoong kalagayang ekonomiya't
kahirapan pagkadehado ng bansang Pilipinas kumpara sa mga kalapit
nating bansa.

Ang misyon at pilosopiya ng Hakaco ay nag-uugat sa masidhing
paghahangad na kung nanaisin ng bawat Pilipino na tayo ay
mapabilang sa mga tinaguriang 'First World Countries', mangyayari
at mangyayari ito, sapagkat walang makapipigil sa atin kung ito
ang ating hangarin. May kasabihan nga, na ang kalikasan ay
sumusunod lamang at sumasang-ayon sa kung ano ang hinahangad ng
sangkatauhan. Mabuhay ang Pilipino!!!  
 



Friday, July 25, 2014

Ipagpatuloy ang galing ng Pilipino




 Bilang Ofw, nauunawaan natin kung ano ang totoong kalagayan at gaano kahirap ang buhay sa ating Inang Bayan Pilipinas. Dahil hindi basta makikipagsapalaran ang ating mga kababayan sa ibayong dagat kung mayroon lamang pagpipilian na mas mahusay na mga opurtunidad sa ating Bayan. Dito halimbawa sa KSA, makikita ang may pinakamababa na pasahod sa ating mga manggagawa. Hindi magtitiyaga ang ating mga kababayan sa ganitong kalunos-lunos na kalagayan na kung saan maski hindi makatao ang mga 'accomodation' at maski 'delay' na, kapiranggot pa na pasahod pinapatos na lang ng ating mga kaawa-awa na mga kababayan lalo na ang mga 'first timer' sa KSA.

 Madalas ipinagmamalaki pa ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng mga OFW. Kaya nga binansagan itong "mga buhay na Bayani" sa dahilang malaki nga naman ang naitutulong nito sa ekonomiya ng bansa sa pag-angkat o pagpasok ng perang dayuhan na nagbibigay sigla at dag-dag sa ekonomiya't merkado kalakal sa ating mga negosyante at buwis sa gobyerno.

Iwinawagayway din palagi ng mga dambuhalang media network ang pagpupugay sa mga OFW at 'pag-popromote' nito sa mga OFW (TFC) na ipagpatuloy ang galing, ang galing daw ng Pilipino. Ang tanong ay kung anong galing? ang galing saan? totoong magaling ang mga Pinoy! pero minsan nakakaligtaan sabihin ang galing ng Pinoy MAGPA-ALIPIN sa ibang bansa. Kaya minsan ang interpretasyon natin sa "ang galing" ay ipagpatuloy natin ang galing ng Pinoy magpa-alipin sa ibang bansa. Ang isa pang katanungan ay hanggang kailan natin ipagpapatuloy ang pagpapa-alipin sa ibang bansa??? hanggang kailan ipagpapatuloy ang 'galing?

Subalit sa mga magagaling nating mga lider ng pamahalaan at matataas na lider ng ating lipunan, sa mga pinuno natin na mga may matataas na pinag-aralan (professionals)--ito ay sampal sa kanilang karunungan o katalinuhan. Bilang Pilipino, sa ayaw natin at sa gusto ang mga OFW natin ang siyang mahusay na sukatan sa kalagayang ekonomiya ng bansa at aminin man natin o hindi karamihan sa ating mga OFW ay mga manggagawang alipin na nagtitiis, nagtitiyaga, nangungulila, sa ibayong dagat matugunan lamang ang kani-kaniyang pamilya na naiwan sa Bayang Magiliw. Ang atin bang mga lider wala talaga maisip na paraan kundi ipagpatuloy na lamang ang galing ng Pinoy sa pagpa-alipin sa ibayong dagat? wala nga marahil, dahil patuloy ang pagdagsa ng mga OFW maski sa mga magugulo at maski sa may mababang pasahod na mga bansa sa gitnang silangan.

Mabuti na lamang at ang iba sa atin ay hindi nawawalan ng pag-asa at umaasa na isang araw matitigil din ang pagiging OFW natin. Na kung mangingibang bansa man tayo, ito ay paglalakbay na lamang bilang turista o kasiyahan lamang(maaari din upang magtayo ng mga proyekto sa ibayong dagat). Ngunit kailangan maging hangarin natin ito, magkaroon tayo ng nag-aapoy na hangarin (burning desire) na mapa-unlad ang ating mga sarili na maitaguyod ang tunay na pagkakaisa at suporta sa pangangailangan ng bawat Pilipino.

Isa ito sa mga pangarap, panaginip at masidhing hangarin ng Hakako na makahulagpos ang nakakararaming Pinoy sa kuko ng kahirapan.

Thursday, July 24, 2014

MGA PANAGINIP : Sana dapat ganito





Maaari sabihin na isang magandang panaginip lamang ang mga pangarap na ilalahad natin dito sa maikling blog na ito. maaaring sabihin na isang napaka-imposibleng panaginip. Ngunit ang katanungan ay kung bakit sa ibang lahi o ibang bansa ito ay naisasakatuparan nila, nagagawan ng paraan at nagiging totoo at makikita nga na napapakinabangan ng kanilang mamamayan.

Pagbigyan natin na namnamin, isipin, bigyan daan at harapin ng bukas na kaisipan ang mga panaginip na ito bago paman natin itakwil na walang kabuluhan pagtuunan ng pansin.

Ang isang independenteng bansa ay dapat may kalayaan at kakayahan na buuin o bumuo ng kapital, salapi o imprentang salapi ng walang panlabas o dayuhan na impluwensiya na makikialam sa pagbuo ng mga pamamaraan (policies )kung paano gagamitin ang kapital ng naaayon sa kapakinabangan ng bansa.

Gagamitin dapat ang kapital ng naaayon sa pangangailangan at kaunlaran ng bansa. Dapat ang bawat probinsya ay may kanya-kanyang industriya na lilinangin at iibayuhin na maging mas mahusay ang kalidad ng bawat produkto kumpara sa mauuunlad na bansa. Halimbawa sa probinsiya ng Samar—dito maaari bumuo ng pambihirang proyekto—kagaya ng mga  pagawaan ng lahat ng uri ng mga makinarya na pang-lupa, sa Leyte naman--mga pagawaan ng lahat ng uri ng electronics, sa Pampanga naman pagawaan ng lahat ng uri ng mga panghimpapawid(Airplanes, helicopters, jetfighters etc.), sa Surigao naman pagawaan lahat ng uri ng mga sasakyang pandagat gaya ng ibat-ibang klaseng Barko,speed boats, fishing boats,submarines etc etc. and so on and so forth. basta dapat lahat ng probinsiya o lahat ng  ng sulok ng bansa mayroong espesyal o espsipikong produkto o industriya na lilinangin at lahat ng kapital at kaalaman ay ibubuhos upang maisakatuparan ang layuning maging lubosan at ganap na maging  industriyalisado  ang buong  kapuluan ng Pilipinas.

Dapat gamitin ang buong pwersa  at kapangyarihan ng gobyerno sa interes ng bansa. Lubhang mahalaga rin ang pagkakaroon ng "intelligence network” na mangangalap at mag-aanalisa ng lahat ng impormasyon upang lubos na mapangalagaan ang katuparan ng mga pambihirang proyekto at plano upang lalo higit na maisakatuparan ang kabuuang kapakinabangan o interes ng sambayanang Pilipino.


Dapat lahat ng 'Filipino abled citizens ay magsilbi sa military forces maski man lang 2 taon na kontrata lalong-lalo na ang mga kalalakihan (mas mainam at karagdagang asset kung pati kababaihan ay kasali din). Malaking tulong ang military training sa disiplina at kahandaan sa ibat-ibang kasanayan at kaalaman ( at sa mga di-inaasahang kalamidad). Na magiging kahandaan sa anumang panlabas o panloob man na banta sa interes ng bansa.



Pilosopiya ng  kaalaman at kasanayan.

Pinakamahalagang yaman ng isang bansa ay ang tinatawag na yaman-tao "human resources", mas maraming tao mas mainam para sa isang bansa. Nagiging balakid lang kung walang mga proyekto na kung saan ginagamit ang kapakinabangan  ng maraming tao (mas maraming workers, mas maraming consumers—more people more business and that is good for everybody’). mas pabor sa isang bansa ang malaking populasyon. at dapat hinahanap ang bawat angking talento, kasanayan, kaalaman, hilig ng bawat tao. pagsasaliksik sa mga may pambihirang katangian na tao sa buong kapuluan ng Piliinas at pakinabangan sa interes ng bansa.



Kapag nangyari ang pambihirang pangarap at mga panaginip na ito, halos lahat ng ating mga kababayan ay magkakaroon ng desenteng hanapbuhay (maaari pa nga tayo kapusin ng mga manggagawa at mag-angkat ng mga dayuhang manggagawa, kagaya ng nangyari sa South Korea at iba pang mga maunlad at industriyalisadong bansa). Pagbaba ng mga kaso ng kriminalidad, tunay na pag-usbong ng maunlad na agrikultura dahil sa pagkakaroon ng mga sariling industriya sa ibat-ibang uri ng kagamitan, pamamaraan at makinarya . Lahat ng industrial countries” may maayos na agrikultura, mas napapangalagaan ang kalikasan—malinis na mga ilog, awtomatik yan sa maunlad na bansa.

Lubhang napapanahon na, upang bigyan daan at gamitin ang karanasan, karunungan ng mga Pilipino na halos nakarating na sa halos lahat ng sulok ng mundo. Hindi malayong mangyari ito kung paiiralin ang tunay na pagkakaisa na magiging tulay upang ang hiwa-hiwalay na kapuluan at paniniwala ng mga Pinoy ay magbuklod tungo sa katuparan ng mga pangarap at mga pambihirang panaginip na ito… sana, dapat ganito.