Saturday, July 19, 2014

Hawak Kamay sa Masidhing Hangarin


Ang alinmang bansa o lahi ay nakasalalay ang pag-unlad nito sa pagkakaisa at suporta sa bawat sulok ng lipunan sa mga adhikain nito. Kumbaga, kailangan hawak kamay sa pagtawid sa mga pagsubok o mga balakid upang makamit ang mga pangarap na hangad abutin.

Sa mauunlad na bansa  gaya ng bansang "Japan", hindi nito nakamit ang tinatamasang tagumpay kung hindi ito puspos ng pagkakaisa at may mahigpit na suporta sa bawat isa ang kanilang mamamayan.

Ang katanungan para sa atin ay kung suporta o pagkakaisa saan? ano ba ang kailangan nating suportahan at pagkaisahan?

Ang ating bansa sa ngayon ay maihahalintulad sa isang sasakyan o tao na walang tiyak na patutunguhan. Laganap ang kahirapan,hindi angkop na edukasyon sa pangangailangan ng bansa, patuloy na pamamayagpag ng mga ga-higanteng katiwalian o  kurapsiyon sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan, kriminalidad at marami pang ibang suliranin na lalong nagpapahirap sa pagsulong ng bansa.  
Lahat ng bansa o tao man may kagustuhan sa pag-unlad o kaginhawaan. Ngunit upang makamit ito kailangan mayroon tayong masidhing paghahangad na makamit ito. Gawin nating halimbawa ang kalakaran ng ating gobyerno, may masidhi bang paghahangad ang mga namamahala o nanunungkulan nito na mapaunlad ang bansa?   Marahil ang ibang kawani o opisyal ng gobyerno may masidhing pagahahangad na yumaman o madagdagan ang kayamanan kaya’t nagagawan nila ng paraan upang makapangulimbat sa kaban ng bayan.
 Malaki ang kaibahan ng paghahangad kumpara sa kagustuhan lamang. Gusto natin ngunit wala tayong paghahangad o masidhing paghahangad. Kapag nay masidhing paghahangad hahanap tayo lahat ng uri ng pamamaraan upang makamit at marating natin ang ating minimithi.

Magmula pa man ng administrasyong Marcos magpahanggang ngayon sa panahon na ni Pres. Pnoy wala parin nailatag na pamamaraan o programa, plano (long term plan) upang ang ating Inang Bayan bansang Pilipinas ay maging ganap na maunlad, independente at makapangyarihang bansa. Kapag may masidhing paghahangad aalamin  ang lahat ng pamamaraan.  Ang gobyerno ba natin may nagawa o ginagawa na pamamaraan upang makamit minimithing tunay na kaunlaran? Subalit wala, magmula paman ng tayo ay magsarili o naging independenteng bansa. Kaya nga napag-iiwanan na tayo ng ating mga kalapit-bansa. Ano ba ang kailangan at pamamaraan upang ganap na maging maunlad ang isang bansa. Paano nga ba masasabi na maunlad ang isang bansa? ang bansa na may sariling teknolohiya sa larangan ng mga sopistikadong kagamitan at makinarya ay masasabing ganap ng maunlad . Samakatuwid, kailangan magkaroon ng masidhing paghahangad na maging "industrial Nation" ang mga namamahala at liderato ng gobyerno gayundin naman ang taong bayan. Dahil kapag mayroon talagang masidhing paghahangad, walang imposible! lahat ng pamamaraan gagawin, isasakatuparan makamit lamang ang pinakamimithi.

Sinasabi nating hawak kamay dahil mas makabubuti kung tayo mismo mga pangkaraniwang mamamayan ang siyang gagawa ng pamamaraan upang matulungan ang ating gobyerno at mamulat ang mga nanunungkulan nito na gawin ang mga nararapat, gayun din naman ang ating mga mamamayan na dapat mamulat at magkaroon ng masidhing paghahangad tungo sa tunay na makabuluhang pag-unlad. Nasa Pilipinas halos lahat ang mga sangkap o "ingredients' ng isang 'powerful and industrial Nation to be'.  Mayaman sa likas yaman(natural resources), at  yaman-tao (human resources), kulang lamang ang  pagkakaroon ng masidhing hangarin.


Nais ba natin o may masidhing paghahangad ba tayo na makabuo ng pinakamahuhusay na uri at iba-ibang de-kalidad na makinaya't kagamitan na sariling atin. Isa sa mga paraan ay ang ipunin lahat ang mga Pinoy na pinakamahuhusay sa engineering, mga mekaniko, at lahat ng mga manggagawa may kinalaman sa larangan ng makina. At ibigay sa kanila ang proyekto at suportahan ng walang humpay na kapital upang isakatuparan ang pagbuo ng mga de-kalidad  na produktong sopistikadong mga makinarya.  Ganun dim naman sa iba pang mga produkto at kagamitan (sophisticated equipment).  Walang pondo ba kamo? naniniwala tayo sa kasabihan ‘walang imposible’. At dito pumapasok ang tinatawag na suporta at pagkakaisa o sa ibang pananalita -- kooperasyon na maaari din sabihing hawak kamay sa pagsulong. Mabuhay ang Pilipino.

(photo credit--StockPictures,RoyaltyFreeHandPhotosAndStockPhotography)

No comments:

Post a Comment