Bilang Ofw,
nauunawaan natin kung ano ang totoong kalagayan at gaano kahirap ang buhay sa
ating Inang Bayan Pilipinas. Dahil hindi basta makikipagsapalaran ang ating mga
kababayan sa ibayong dagat kung mayroon lamang pagpipilian na mas mahusay na
mga opurtunidad sa ating Bayan. Dito halimbawa sa KSA, makikita ang may
pinakamababa na pasahod sa ating mga manggagawa. Hindi magtitiyaga ang ating
mga kababayan sa ganitong kalunos-lunos na kalagayan na kung saan maski hindi
makatao ang mga 'accomodation' at maski 'delay' na, kapiranggot pa na pasahod
pinapatos na lang ng ating mga kaawa-awa na mga kababayan lalo na ang mga
'first timer' sa KSA.
Madalas
ipinagmamalaki pa ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng mga OFW. Kaya nga
binansagan itong "mga buhay na Bayani" sa dahilang malaki nga naman
ang naitutulong nito sa ekonomiya ng bansa sa pag-angkat o pagpasok ng perang
dayuhan na nagbibigay sigla at dag-dag sa ekonomiya't merkado kalakal sa ating
mga negosyante at buwis sa gobyerno.
Iwinawagayway
din palagi ng mga dambuhalang media network ang pagpupugay sa mga OFW at
'pag-popromote' nito sa mga OFW (TFC) na ipagpatuloy ang galing, ang galing daw
ng Pilipino. Ang tanong ay kung anong galing? ang galing saan? totoong magaling
ang mga Pinoy! pero minsan nakakaligtaan sabihin ang galing ng Pinoy
MAGPA-ALIPIN sa ibang bansa. Kaya minsan ang interpretasyon natin sa "ang
galing" ay ipagpatuloy natin ang galing ng Pinoy magpa-alipin sa ibang
bansa. Ang isa pang katanungan ay hanggang kailan natin ipagpapatuloy ang
pagpapa-alipin sa ibang bansa??? hanggang kailan ipagpapatuloy ang 'galing?
Subalit sa
mga magagaling nating mga lider ng pamahalaan at matataas na lider ng ating
lipunan, sa mga pinuno natin na mga may matataas na pinag-aralan
(professionals)--ito ay sampal sa kanilang karunungan o katalinuhan. Bilang
Pilipino, sa ayaw natin at sa gusto ang mga OFW natin ang siyang mahusay na
sukatan sa kalagayang ekonomiya ng bansa at aminin man natin o hindi karamihan
sa ating mga OFW ay mga manggagawang alipin na nagtitiis, nagtitiyaga,
nangungulila, sa ibayong dagat matugunan lamang ang kani-kaniyang pamilya na
naiwan sa Bayang Magiliw. Ang atin bang mga lider wala talaga maisip na paraan
kundi ipagpatuloy na lamang ang galing ng Pinoy sa pagpa-alipin sa ibayong
dagat? wala nga marahil, dahil patuloy ang pagdagsa ng mga OFW maski sa mga
magugulo at maski sa may mababang pasahod na mga bansa sa gitnang silangan.
Mabuti na
lamang at ang iba sa atin ay hindi nawawalan ng pag-asa at umaasa na isang araw
matitigil din ang pagiging OFW natin. Na kung mangingibang bansa man tayo, ito
ay paglalakbay na lamang bilang turista o kasiyahan lamang(maaari din upang
magtayo ng mga proyekto sa ibayong dagat). Ngunit kailangan maging hangarin
natin ito, magkaroon tayo ng nag-aapoy na hangarin (burning desire) na
mapa-unlad ang ating mga sarili na maitaguyod ang tunay na pagkakaisa at
suporta sa pangangailangan ng bawat Pilipino.
Isa ito sa
mga pangarap, panaginip at masidhing hangarin ng Hakako na makahulagpos ang
nakakararaming Pinoy sa kuko ng kahirapan.
No comments:
Post a Comment